MANILA, Philippines — Inirekomenda kahapon ni Senator Juan Miguel Zubiri ang pagsusulong ng disbarment proceedings laban sa may 20 abogadong miyembro ng Aegis Juris Fraternity na sangkot sa hazing ni Horacio “Atio” Castillo III ng University of Santo Tomas.
Ayon kay Zubiri, base na rin sa nadiskubreng chat messages ng mga abogadong miyembro ng Aegis Juris, tinangka nilang pagtakpan o nangyaring pagkamatay ni Castillo.
Naniniwala si Zubiri na nasa 20 abogado na miyembro ng Aegis Juris ang maaaring maharap sa disbarment proceedings.
Ipinunto pa ni Zubiri sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang sinabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng komite na mayroon nang jurisprudence kung saan mismong ang Supreme Court ang nagsagawa ng ‘moto propio’ action sa mga disbarment cases.
Sa panayam, sinabi ni Zubiri na balak nilang magdagdag sa ipapanukalang batas ang agad ng pag-disbar sa mga abogado kung masasangkot sa hazing.
“Very clear napakarami pati disbarment (irerekomendang batas). Magdadagdag kami ng section diyan kapag hazing involvement of hazing lawyers right away puwede ng i-take up ito ng SC, hindi na dadaan sa Integrated Bar of the Philippines,” ani Zubiri.
Ipinunto pa ni Zubiri na sa ngayon ay mabusisi ang disbarment proceedings kaya maraming nakabinbing kaso sa IBP.
“May proseso kasi siya eh, ang daming pending cases sa IBP, so ngayon po ay diretso na sa SC for quick action,” ani Zubiri.
Samantala, naniniwala si Zubiri na hindi isang “Trojan horse” si Marc Anthony Ventura, ang gagawing state witness sa naturang kaso.
“Ako naniniwala ako sa mga statement ni Ventura. Mabigat mga sinabi niya at isinalaysay niya. For me I don’t believe he is a Trojan horse. I believe he is telling the truth,” ani Zubiri.