MANILA, Philippines — Dodoblehin ang sahod ng mga police at military personnel lalo na ang mga tropa ng gobyerno na nakipaglaban sa Marawi City.
Ito ang tiniyak ni House Appropriations Committee chairman at Davao Rep. Karlo Nograles bilang suporta sa pahayag ni Pangulong Duterte na doblehin ang sahod ng mga pulis at sundalo.
Ayon kay Nograles, nararapat lamang na bigyan ng mataas na sahod ang mga unipormadong babae at lalaki na nakipaglaban sa Marawi at nanganib ang buhay sa pakikipaglaban sa mga teroristang grupo.
“Kudos to our troops for getting the job done. They showed that they are capable of neutralizing the world’s most dreaded terrorists and bandits. They deserve all the additional benefits coming their way under the Duterte administration,” ayon pa sa kongresista.
Inindorso na rin umano ng Department of Budget and Management (DBM) sa Senado at Kamara ang isang draft resolution na opisyal na nagbibigay ng 100 porsyentong salary increase para sa police at military personnel.
Giit ng kongresista, ito na ang tamang procedure ng Kongreso lalo na ng Kamara na mayroong power of the purse o kapangyarihan para maglaan ng pondo para magastos ng gobyerno.
Tiniyak naman ni Nograles, na aaprubahan ang draft resolution sa sandaling mag-resume ang sesyon ng kongreso sa Nobyembre 13 mula sa kanilang Undas break.