MANILA, Philippines — Ibinasura ng House Committee on Justice ang impeachment complaint laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista.
Sa botong 26-2, idineklarang “insufficient in form” ang impeachment complaint laban kay Bautista na inihain nina Atty. Ferdinand Topacio at dating Rep. Jacinto Paras dahil sa depektibong verification.
Una rito, ibinasura ang “substitute verification” ni Kabayan Rep. Harry Roque, isa sa tatlong endorsers ng reklamo dahil sa isyu ng teknikalidad.
Ayon sa komite, ang submission ng substitute verification na humihiling na amyendahan ang impeachment ay basehan na depektibo ang reklamo.
Ayon naman kay Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Rudy Fariñas, dapat ang asawa ni Chairman Bautista ang naging complainant at hindi sina Topacio at Paras.
Sinabi ni Fariñas, katulad ng nangyaring impeachment complaint ni Magdalo Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Duterte na ginamit ng una ang mga pahayag ni Edgar Matobato tungkol sa diumano’y mga nalalaman nito tungkol sa extra-judicial killings. Si Matobato dapat ang naging complainant para lumakas ang reklamo nito.
Dahil dito, hindi maaaring sampahan muli ng impeachment complaint si Bautista sa loob ng isang taon.