MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Filipino Identification System.
Sa botong 142 na Yes at 7 na No ay naaprubahan ang House Bill 6221 o national ID system.
Sa ilalim ng panukala ay oobligahin ang lahat ng Filipino na may edad 18 pataas na magkaroon ng iisang identification card na gagamitin sa lahat ng transaksyon sa gobyerno at gagamitin para makakuha ng serbisyo mula sa pamahalaan.
Nakasaad sa ID ang lahat ng personal na impormasyon ng bawat Pilipino sa bansa.
Magiging libre muna sa unang aplikasyon ang ID subalit kapag ito ay nawala at kumuha sa ikalawang pagkakataon ay pababayaran na ito.
Siniguro naman na ang national ID ay tamper proof upang hindi magagaya o mananakaw ang mga pangunahing impormasyon.
Subalit mariin naman itong tinututulan ng MAKABAYAN sa Kamara dahil maaari umano itong maabuso.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, na maaaring gamitin lamang ito ng gobyerno para sa surveillance at monitoring sa mga kritiko at kalaban ng pamahalaan.