MANILA, Philippines - Napatay umano sa air strike operations ng Armed Forces of the Philippines ang lider ng Maute - Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na si Abdullah Maute kaugnay ng patuloy na bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at ng teroristang grupo sa Marawi City na nasa ika-105 araw na kahapon.
Sinabi ni AFP Western Mindanao Command Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., na nakatanggap sila ng impormasyon na patay na si Abdullah Maute.
Gayunman, sinabi ni Galvez na kailangan munang makuha ang bangkay ni Abdullah upang makumpirma ang ulat. Sakali namang marekober ang bangkay nito ay kailangan muna itong isailalim sa DNA test bilang matibay na pruweba.
Batay sa intelligence information, si Abdullah na isa sa tatlong lider ng mga terorista sa Marawi City ay napatay umano sa air strike ng militar sa pagitan ng Agosto 14 at Agosto 26 kung saan ang impormasyon ay nakuha sa kanilang impormante.
Ang kapatid ni Abdullah na si Omar na una nang napaulat na napaslang din sa air strike ay pinaniniwalaan ng militar na buhay pa at nasa battle zone sa lungsod.
Kaugnay nito, kinumpirma ng opisyal na nasa huling yugto na ang kanilang operasyon o ang Oplan Final Assault sa lungsod ng Marawi upang tuluyang madurog ang Maute –ISIS terror group.