MANILA, Philippines - Nagtayo na ng bandila ang China sa Sand Cay may pitong nawtikal na milya ang layo sa Kota Island, isa sa mga isla na inuokupa ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea).
Ito ang ibinunyag kahapon ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano sa press briefing sa mediamen sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bilang pagsuporta sa sinabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na sinakop na rin umano ng China ang Sand Cay.
Sinabi ni Alejano na tila sinasamantala ng China ang pakikipagmabutihan ng gobyerno sa mga lider ng kanilang bansa sa patuloy na kapangahasan sa pinag-aagawang teritoryo sa West PH Sea gayong dapat ay tumatalima ito sa status quo.
Samantalang bukod dito ay may mga nakadeploy ding mga barko ang China malapit sa Pagasa Island.
Base sa impormasyon mula sa source ni Alejano sa mga opisyal ng militar, ang bandila na itinayo ng China na may bakal na tubo ay nasa bahagi ng Sand Cay may pitong nawtikal na milya ang distansya mula sa Kota Island na nadiskubre noong Hulyo ng taong ito.
Subalit nagpahayag ng katiyakan kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi aangkinin ng China ang Sandy Cay.
Ipinaliwanag ng Pangulo na walang dahilan para ipagtanggol niya ang nasabing sandbar laban sa China na nagpapatrulya lamang sa lugar.
Hindi rin umano makikipaglaban ang Pilipinas sa China dahil sa nasabing sandbar.
Idinagdag ni Duterte na tiniyak naman sa kanya ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na walang itatayong pasilidad ang China sa nasabing lugar.
“Hindi nga na-invade eh. Hindi naman totoo iyong sinasabi ni ano — they are just there but they are not claiming anything,” ani Duterte.
Naniniwala rin si Duterte na hindi makikipag-away ang China sa Pilipinas dahil lamang sa nasabing sandbar.
“Anong makukuha nila?” tanong pa ni Duterte.
Idiniin din ni Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na walang sinasakop na isa man sa mga isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea ang China.
Sa kaniyang pagharap sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay ng pagtalakay sa P19.57 bilyong panukalang pondo ng DFA sa taong 2018, sinabi ni Cayetano na may mga bagay na hindi niya maaring isiwalat dahilan sa isyu ng pambansang seguridad at bukod dito ay hindi naman kaaway ng bansa ang China.
Idiniin pa ni Cayetano na maging si National Security Adviser Hermogenes Esperon ay itinanggi ang pagbubunyag ni Carpio.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng Kalihim na wala ni isang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang isusuko ng pamahalaan sa China.