Smuggling sa BoC
MANILA, Philippines - Tumanggap ng halagang P5 milyon ang sinasabing “Davao Group” na inuugnay kay Davao City Vice Mayor Paolo Duterte bilang “goodwill” o “enrollment fee” para malayang maglabas-pasok ang mga ilegal na kargamento sa Burea of Customs kabilang na ang nakalusot na P6.4 bilyong illegal drugs mula China.
Ito ang ibinunyag kahapon ng customs broker-importer na si Mark Taguba sa kanyang muling pagsalang sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon kaugnay sa pagkakalusot ng 604 kilong shabu sa BoC noong Mayo.
Ayon kay Taguba, napilitan siyang sumugal at magbigay ng P5 milyon kay alias “Small” na sinasabing malapit na kaibigan ng presidential son dahil na rin sa naiipit ang mga shipment nito sa BoC sa kabila ng pagbibigay ng tara sa iba’t-ibang departmento at indibiduwal sa Customs.
Sinabi ni Taguba na nagpalit siya ng kontak sa BoC makaraang ialerto ang kanyang mga kargamento.
Matapos na makatanggap ng text messages, ikinuwento ni Taguba na nagtungo siya mismo sa Davao at nakipagkita kay alyas Small ng Davao Group.
Si “Small” ay kasama nina alyas “Tita Nani” at “Jack” sa mga unang tinukoy ni Taguba na nakinabang ng kanyang mga ibinibigay na P27,000 tara kada araw sa bawat shipment sa BoC.
Sa mga huling pagdinig ng Senado, tinukoy ni Senator Antonio Trillanes IV na ang sinasabing alias Small ay si Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera.
Sa pagtungo sa Davao, ikunuwento ni Taguba na nagkita at nagkausap umano sila ni Small at dito niya ibinigay ang nasabing halaga bilang “enrollment fee” sa Davao Group.
Naging maayos na umano ang daloy ng transaksyon ni Taguba sa BoC simula nang hawakan ng Davao Group ang impluwensya ng pagpapasok ng mga kargamento sa Customs kasama na dito ang P6.4 bilyong shabu na napalusot sa BoC.
Sa susunod pagdinig na itinakda sa Agosto 29, 2017, ipinatatawag ni Gordon sina alyas Tita Nani at Jojo Bacud at Saban upang magbigay-linaw sa panibagong impormasyon na ibinigay ni Taguba.
Hindi nagpaunlak ng panayam sa mga in-house reporters ng Manila International Airport Authority si Assistant General Manager For Security and Emergency Services (ret.) Col Alen Capuyan, aka ‘big brother’ kaugnay ng pagkakabanggit sa kanyang pangalan sa pahayag ni Taguba sa Senado.
Binanggit ni Taguba ang pangalan ni Capuyan sa hearing na diumano’y naka-meeting niya tungkol sa operasyon nito sa pagpapalabas ng mga containerized van.