MANILA, Philippines - Nagkainitan sina Sen. Antonio Trillanes at Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon matapos magmatigas ang huli na sumagot sa ilang tanong ng una sa ikatlong hearing ng Senate Blue Ribbon committee kaugnay ng drug shipment sa BoC.
Partikular na tinanggihan ni Faeldon ang pagtugon sa tanong kung may korapsyon sa Customs.
“May korapsyon ba sa Customs o wala? Yes or no,” tanong ni Trillanes.
Sa kabila nito, parang walang narinig si Faeldon at seryoso siyang nakaupo at hindi sinagot ang tanong ni Trillanes.
Dahil dito, bahagyang nagkainitan nang sitahin ni Trillanes si Faeldon sa hindi nito pagsagot at nagbanta pa ang huli na hihilingin niya sa komite na ma-cite for contempt ang opisyal kung patuloy na magmamatigas sa pagsagot.
Iginiit ni Faeldon na hinusgahan na siya na “guilty” kaya wala na umanong dahilan para sagutin pa niya ang tanong ni Trillanes.
Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ng committee chairman na si Sen. Richard Gordon ang hearing upang pakalmahin ang dalawa.
Masinsinang kinausap ni Gordon si Faeldon na naging emosyunal at nagpahid pa ng luha.
Nang mag-resume ang pagdinig, sinabi ni Gordon na idirekta na lamang ang sagot sa tanong sa kanya bilang chairman ng komite. Mismong si Gordon na ang umulit ng tanong ni Trillanes para kay Faeldon.
Dahil dito, sumagot na si Faeldon at kinumpirmang mayroon ngang korapsyon sa Customs.
Tinukoy nito ang ilang kaso ng pangingikil ng mga Customs officers sa loob mismo ng BoC. May tatlong empleyado aniya ang nakunan sa CCTV sa BoC command center na tumatanggap ng “unauthorized money”.
Sinabi pa ni Faeldon na bago pa siya umupo sa BoC ay laganap na ang “tara” (payola) system sa mga shipment na pumapasok sa bureau na pilit niya ngayong nililinis.
Sina Trillanes at Faeldon ay magkasama sa Manila Peninsula siege noong 2007.
Nilinaw naman ni Trillanes na wala naman silang away ni Faeldon bago ang halalan.
Kung maaalala, masidhing supporter si Faeldon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nakabitin pa rin kung sisibakin o hindi ni Pangulong Duterte si Faeldon.
Inihayag kahapon ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na inirekomenda ng Dangerous Drugs Board Committee of House of Representatives na sibakin na sa puwesto si Faeldon dahil sa “gross incompetence” at isyu ng korapsiyon.
Pero ayon kay Abella, hihintayin ng Pangulo ang ulat mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso bago magpalabas ng desisyon tungkol sa BoC.