MANILA, Philippines - Upang makatipid ng pondo ang gobyerno, pinaboran kahapon ng mga mambabatas ng Kamara de Representantes ang pagpapaliban ng barangay election ng pitong buwan o sa darating na Mayo 2018.
Ito ang nabatid kahapon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas.
Sinabi ni Fariñas sa isinagawang caucus kahapon ay nagkasundo ang mga kongresista na ipagpapaliban muna ang barangay election kasabay ng plebisito para sa ‘cha-cha’ o pag-aamyenda sa Kontitusyon at sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Inihayag naman ni CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna, Chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na napagkasunduan ng mga mambabatas na ipagpaliban muna ang barangay election para maisabay ito sa plebisito ng ‘cha-cha’ at BBL.
“The government can save funds, that way, we will be hitting two birds with one stone’, anang solon.
Bunga nito ay ‘hold over’ muna o mananatili sa puwesto ang mga halal na opisyal sa barangay mula sa iba’t ibang lokalidad sa bansa.
Sa kabila nito, tinutulan naman ni Anakpawis Partylist Ariel Casilao ang pagpapaliban ng naturang eleksyon sa Oktubre 2017 dahilan bahagi umano ito ng ‘democratic exercise’ ng taumbayan.
Una rito, hinikayat ng Comelec ang Kongreso na magdesisyon kung ipagpapaliban ang barangay election sa taong ito upang hindi umano masayang ang kanilang paghahanda.
Samantala, tinututulan naman ni Senator Leila de Lima ang umano’y pahiwatig ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-appoint na lamang ng mga bagong barangay officials sa buong bansa.
Iginiit ng senadora na ang mandato ng barangay officials ay mula sa mamamayan sa pamamagitan ng prosesong electoral o halalan at hindi ang political appointments.
Sinabi ng senadora na dapat ay mahalal ang mga opisyal ng barangay at hindi sa pamamagitan ng political endorsements base sa isinasaad ng Article 10, Section 8 ng 1987 Constitution na nag-aatas ng pagkakaroon ng eleksyong pambarangay.