MANILA, Philippines - Dalawang kustomer ng isang hotel ang nasugatan matapos na tumalon sa ikalawang palapag nito at nataranta at nagkagulo ang mga residente kabilang ang mga nag-iiyakan habang nasa 92 estudyante ang nahilo at tatlo pa ang nasugatan nang yanigin ng 5.4 magnitude ng lindol ang Ormoc City, Leyte nitong Lunes ng umaga (Hulyo 10).
Ito’y sa dahilang matindi pa ang trauma ng mga residente sa pagtama sa Leyte partikular na sa Ormoc City ng 6.5 magnitude ng lindol kung saan apektado rin ang iba pang lugar sa Visayas Region noong Hulyo 6 ng nakalipas na linggo.
Ayon kay Supt. Ma. Elma delos Santos, tagapagsalita ng Ormoc City Police, dakong alas-9:40 ng umaga nang mataranta ang mga tao sa pagyanig muli ng lindol sa lungsod.
Sinabi ni delos Santos na dahilan sa matinding panic ay tumalon sa ikalawang palapag ng Pongos Hotel na matatagpuan sa kahabaan ng Bonifacio Street, Ormoc City ang dalawa nitong kustomer na sina Alexander Balang, 45, ng Baesa, Quezon City at Edgar Tabaco, 46, ng Ormoc City. Ang mga ito ay mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Maging ang mga estudyante sa Ormoc City ay nagpanakbuhan din sa kasagsagan ng lindol bunga ng matinding trauma at paghi-hysteria sa naunang 6.5 magnitude ng pagyanig ng lupa sa kanilang lugar sa halip umanong isagawa ang ‘duck, cover and hold’ na dapat natutunan ng mga ito sa ‘earthquake drill’.
Nasa 50 estudyante ang napaulat na nahilo at hinimatay matapos na magsipag-hysteria na nagpapanakbuhan sa kasagsagan ng lindol
Sa kasalukuyan, tumaas na sa 329 ang mga nasugatan sa pagtama ng lindol sa mga apektadong lugar sa Leyte habang naitala naman sa 1,837 pamilya o kabuuang 9,185 katao ang apektado sa 6.5 magnitude ng lindol .
Naitala naman sa 700 ang mga nawasak na kabahayan habang nasa 1, 700 naman ang apektado. Sa pagyanig ng lindol sa Leyte noong nakalipas na linggo ay nanatili naman sa 2 katao ang nasawi at anim ang nasagip sa gumuhong 3 storey na gusali sa bayan ng Kananga.
Umabot sa 5.4 magnitude ang naramdaman sa Ormoc City; Intensity V sa Kananga, Leyte; Intensity IV sa Mayorga, Leyte at Tacloban City; Mandaue City; Intensity III naman sa Loay at Jagna, Bohol; Cebu City; habang Intensity II naman sa Lapu-Lapu City; Cadiz City, Negros Oriental.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ang sentro ng lindol ay naitala sa may 015 kilometer ng hilagang silangan ng Ormoc City. May 006 kilometro naman ang lalim ng lupa ng naturang lindol. Tectonic ang ugat ng naturang pagyanig.
Sa kabuuan, nakapagtala ang Phivolcs ng walong aftershocks sa naganap na lindol nitong 9:42 ng umaga sa Ormoc City Leyte hanggang alas 2:30 ng hapon kahapon.