MANILA, Philippines - Niyanig ng 6.5 magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Visayas kahapon.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naramdaman ito bandang alas-4:03 ng hapon.
Natukoy ang sentro ng lindol may walong kilometro sa timog kanluran ng Jaro, Leyte. Tectonic ang origin ng lindol na may lalim na 2 kilometro.
Naramdaman din ang lindol hanggang Western at Central Visayas.
Bunga nito, naramdaman ang Intensity 5 sa Tacloban City; Palo, Leyte; Cebu City at Intensity 4 sa Tolosa, Leyte; Sagay City, Negros Occidental; Burgos, Surigao del Norte.
Intensity 3 sa Bogo City, Cebu; Calatrava, Negros Occidental at Intensity 2 sa Libjo, San Jose, Cagdianao, Dinagat Islands at Intensity I sa Roxas City; La Carlota City; Negros Occidental.
Itinaas naman ng Phivolcs ang tsunami warning at inaasahan na ang mga aftershocks.
Sinabi naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mina Marasigan, 10 ang nasugatan sa gumuhong 2-storey pension house sa bayan ng Kananga, Leyte.
Bagaman pinangangambahang may mga nasawi sa trahedya, sinabi ng opisyal na hindi pa nila ito makumpirma dahil patuloy ang search and rescue sa pension house.
Pero sa panayam sa radyo kay Ormoc City Mayor Richard Gomez, isa katao umano ang patay.
Bunga ng malakas na lindol, ayon kay Leyte Gov. Dominic Petilla ay nawalan ng suplay ng kuryente sa buong lalawigan matapos pansamantalang isara ang Malitbog Geothermal Power Plant sa Kananga.
Kasalukuyan ng inaalam ang lawak ng pinsala ng lindol.