MANILA, Philippines - Naging magaling na lider at nagawa na ni Pangulong Duterte ang maraming programa na kanyang naipangako noong kampanya.
Ito ang assessment ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa unang taon ng pamamahala ni Duterte kahapon, Hunyo 30.
Paliwanag pa ni Arroyo, naging malaking achievement ni Duterte sa kanyang unang taon sa Malacañang ang laban sa illegal drugs at korapsyon gayundin ang programa niyang Build, Build, Build na isang hakbang para sa tamang direksyon upang makamtan ang inclusive growth ng bansa.
Dahil dito kaya dalangin ng dating presidente na magkaroon ng magandang kalusugan si Duterte hanggang matapos ang kanyang termino lalo at inaasahan umano ng mga Filipino ang kanyang pamumuno na nagbigay daan para makamit ang tunay na pagbabago.
Subalit para kay ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro, wala silang nakikitang genuine na pagbabago sa unang taon ng panunungkulan ng Pangulo dahil maraming anti-poor policies ang ipinakita niya at hindi pa rin niya natutugunan ang pangangailangan ng mga tao.
Puna pa ni Tinio, ang ginagawa ng Pangulo ay taliwas sa mga nauna niyang pahayag laban sa military agreements sa US tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) at sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), gayundin ang pagtatalaga sa may 59 ex-military men sa key positions sa gobyerno na nagdudulot ng militarization na dapat sana ay civilian bureaucracy.