MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang gaming operation ng Resorts World Manila, isang linggo matapos ang nangyaring pag-atake roon kung saan 38 ang namatay kabilang ang gunman.
Sa opisyal na pahayag ng PAGCOR, sinuspinde nito ang Provisional License ng Travellers International Hotel Group, may-ari at operator ng Resorts World, para mag-operate ng mga casino at iba pang gaming facilities na nasa ilalim ng business name ng Resorts World Manila.
Dahil sa nasabing suspensyon, dapat umanong itigil ng Resorts World Manila ang lahat ng gaming operations nito habang iniimbestigahan pa ang pananagutan nito sa insidente.
Mananatili umano ang suspensyon hanggang hindi natatama ng Resorts World ang mga pagkukulang at pagkakamali nito sa seguridad na naging dahilan ng pagkalagas ng buhay at naglagay din sa alanganin sa industriya ng gaming at turismo sa bansa.
Kung hindi umano tatalima ang Resorts World, magpapataw ang PAGCOR ng karagdagang parusa alinsunod sa pinapayagan ng batas.
Pinagsusumite rin ng PAGCOR ang lahat ng integrated resorts ng Travellers International Hotel ng security at safety protocol para matiyak na hindi mauulit ang malagim na trahedya.