MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ngayon ng masusing beripikasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa report na nakatakas na umano ang Emir ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) na si Abu Sayyaf commander Isnilon Hapilon.
“We have no confirmation yet. There are actually conflicting reports of him still being inside and his escape,” pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Sinabi ni Lorenzana na inatasan na niya ang mga intelligence operatives ng AFP na alamin ang katotohanan sa gitna ng nasabing mga ulat.
Si Hapilon ay may karagdagang reward na P10M matapos pagtibayin ni Pangulong Duterte para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaresto nito buhay man o patay.
Bukod dito ay may nauna nang $5M reward si Hapilon na inilaan ng pamahalaan ng Estados Unidos at P7.4M mula naman sa gobyerno ng Pilipinas.
Naniniwala naman ang AFP na nasa Marawi City pa rin si Hapilon.
Sinabi ni AFP spokesman B/Gen. Restituto Padilla na batay anya sa impormasyong nakuha ni Maj. Gen. Rolando Bautista, Task Force Marawi commander, nasa loob pa rin ng Marawi City si Hapilon
“Hindi po ito napapatibayan. Hindi po ito totoo at naniniwala sila (TF Marawi) na nandoon pa rin si Hapilon,” ani Padilla.
Aniya, unti-unti nang humihina ang pwersa ng Maute sa Marawi sa ika-18 araw ng pakikipaglaban nito sa militar.
“Volume of fire from enemy is not as much as before; enemy activity dwindled, enemy fire selective,” wika pa ni Padilla na patunay na humihina na ang puwersa ng Maute.
Sabi pa ng AFP spokesman, 3 barangay na lamang ang masasabing kontrolado ng Maute group dahil na rin sa matinding military offensive ng AFP laban sa mga terorista.
Nanawagan din ng kooperasyon ang militar sa mga residente sa pagpapatupad ng pag-aresto sa mga Maute group at kanilang mga supporters na kabilang sa arrest order 1 and 2.
Samantala, itinanggi naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na kabilang si Health Sec. Paulyn Ubial sa target arestuhin habang umiiral ang Martial Law.
“Health Secretary Paulyn Ubial not in the list of those being ordered arrested,” pahayag ni Abella.
Nilinaw din ng AFP na ang desisyon sa lifting ng Martial Law kahit matupad ang ‘liberation’ ng Marawi sa Lunes ay wala sa kamay ng militar.
“The liberation of Marawi will only be when every armed element is gone in the city,” giit pa ni Padilla.