MANILA, Philippines - Tatlong lokal na opisyal ng Ilocos Norte ang ipinakulong sa Kamara matapos silang ipa-contempt ni House Majority leader Rodolfo Fariñas.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, mismong si Fariñas ang nagpa-contempt dahil sa palusot sa kanyang mga tanong.
Kabilang sa mga lokal na opisyal sina Josephin Calajate, Genedine Jambaro at Encarnacion Gaor, mga opisyal at empleyado ng provincial treasurer’s office ng Ilocos Norte.
Ididitine sila sa Kamara hanggang hindi sila direktang sumasagot sa mga tanong kaugnay ng pagbili ng mini cab noong 2001 gamit ang P66.4 milyon na pondo galing sa Tobacco Excise tax.
Paliwanag ni Majority leader, hindi maaaring gamitin ang nasabing pondo sa ibang bagay dahil ang itinatakda ng batas ay para lamang sa pagpapaunlad ng industriya ng Tabako.
Dahil naman sa tatlong beses na hindi sumisipot sa patawag, kaya inaprubahan na rin ni Committee chairman Rep. Johnny Pimentel ang mosyon para isubpina si Ilocos Norte Governor Imee Marcos para mapilitan siyang humarap sa pagdinig.