MANILA, Philippines - Itinakda na ng Department of Education (DepEd) sa Hunyo 5 ang unang araw nang pagbubukas ng klase para sa School Year 2017-2018.
Kaugnay nito, nakiusap si Education Undersecretary for Planning and Field Operations Jesus Mateo sa mga magulang na huwag nang ipatala sa mga overcrowded na paaralan ang kanilang mga anak.
Ayon kay Mateo, hindi matututukan ng husto ang bawat mag-aaral kung marami silang nagsisiksikan sa loob ng isang silid-aralan.
Aniya, ang isang silid-aralan sa Kindergarten ay dapat okupahan lamang ng 25 estudyante, 30 naman kung Grade 1 at 2 habang nasa 45 ang kapasidad ng mga silid-aralan ng Grade 3 at mas mataas na baitang.
Kung labis naman ang bilang ng mga estudyante ay napipilitan ang mga guro na dagdagan ang bilang ng mga mag-aaral sa isang klase, kaya’t minsan ay hindi na natututukan ang mga ito.