Sa kasong illegal detention
MANILA, Philippines - Hindi kumbinsido ang Court of Appeals na aktwal na napagkaitan ng kanyang kalayaan si Benhur Luy noong siya ay nananatili sa Bahay ni San Jose na isang retreat house sa Makati City.
Ito ang isa sa punto ng CA sa desisyon nito na baligtarin ang hatol na guilty laban sa negosyanteng si Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention at ipawalang-sala ito sa kaso.
Batay umano sa mga nakalap na ebidensya, mismong si Luy pa ang humiling na mapasailalim siya sa spiritual retreat sa Bahay ni San Jose.
Ito ay base na rin umano sa journal ni Luy na naglalaman ng kabuuan ng kanyang pananatili sa Bahay ni San Jose at sa kanyang liham sa kanyang pamilya nuong February 21, 2013 na naglalahad ng mga ginagawa niya sa loob ng retreat house kagaya ng pag-aayuno at pagdarasal tuwing alas tres ng madaling araw.
Sa panahon umano na si Luy ay nananatili sa Bahay ni San Jose, hindi rin naman niya naisip na tumakas at hindi rin nasabi sa iba ang kanyang sitwasyon.
Nakapagtataka anila na sa mga okasyon na nakakalabas ng retreat house si Luy, hindi rin umano siya humingi ng saklolo sa mga otoridad.
Ipinunto pa ng CA na nang gawin ang rescue operation kay Luy noong March 2013, siya ay nagpumiglas na sumama sa mga myembro ng NBI at sinabi pa na walang ginawang iligal laban sa kanya si Reynald Jojo Lim na kapatid ni Napoles at isa rin sa mga akusado sa kaso.
Ito ay batay na rin sa testimonya ng mga security personnel ng Pacific Plaza sa Taguig kung saan may inookopuhang unit ang pamilya Napoles.
Binigyang-bigat ng CA ang argumento ng Office of the Solicitor General na sumusuporta sa apela ni Napoles na dapat itong mapawalang sala sa naturang kaso dahil walang naipasok na kasunduan ang pamahalaan kay Napoles hinggil dito.
Ayon sa CA, walang naipakitang pruweba o katibayan ang prosekusyon na nagkaroon ng commission of crime sa kaso at kinilala lamang si Napoles bilang “malefactor responsible” sa kaso.
Gayunman, mananatili si Napoles sa kulungan dahil may naka-pending pa siyang kasong plunder at graft cases sa Sandiganbayan na may kinalaman sa paggamit ng kanyang mga pekeng NGO sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund ng mga senador at kongresista.
Nirerespeto naman ng Malacañang ang desisyon ng CA.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa media interview na nagdesisyon na ang CA sa kaso ni Napoles at iginagalang ito ng Palasyo.
Siniguro naman ni Panelo na walang anumang ‘sweetheart deals’ na namamagitan sa kampo ni Napoles at gobyerno.
Aniya, hiwalay ang kasong illegal detention ni Napoles sa hinaharap nitong plunder case kaugnay ng PDAF scam.
Sinabi naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na wala namang magiging problema kung ang pinagbatayan ng Court of Appeals ay ebidensya.
Nauunawaan umano niya na kinakailangang maging patas ang appellate court sa lahat.
Idinagdag pa ni Aguirre na plano nilang gamitin si Napoles bilang testigo sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa PDAF Scam, pero ito ay kung makikipagtulungan si Napoles.
Posibleng kasama sa mga makikinabang sa desisyon ng CA ang kapatid ni Janet Napoles na si Reynald Lim na akusado rin sa kasong serious illegal detention.
Si Lim ay patuloy pang pinaghahanap ng mga otoridad at kailanman ay hindi siya nalitis sa korte para sa nasabing kaso.