MANILA, Philippines - Sa pagtutulungan ng Manila Water Philippine Ventures, Water.org. at WaterLinks, tinatayang 1,500 na maralitang pamilya sa probinsya ng Laguna ang ikokonekta sa linya ng tubig ng Laguna Water upang makatanggap ng malinis at ligtas na tubig sa kanilang mga tahanan pagdating ng Setyembre ng taong ito.
Ang proyektong ito na tinawag na Water Connect at pasisimulan sa Laguna ay naglalayong suportahan ang mga pamilyang Pilipino na salat sa kakayanang makakuha ng malinis na tubig.
Ang proyekto ay pinapangunahan ng Manila Water Philippine Ventures, Water.org, at WaterLinks na mga eksperto sa industriya ng tubig. Ang Manila Water Philippine Ventures ay isang sangay ng Manila Water Company na tumutugon sa mga pangangailangan sa suplay ng tubig at tamang pamamahala sa gamit na tubig sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.
Samantala, ang Water.org ay isang internasyonal na organisasyon na nakapagbigay-daan sa pagtanggap ng ligtas at malinis na tubig ng mahigit limang milyong tao.
Ang WaterLinks ay tumutulong na pag-ugnayin ang iba’t ibang mga kumpanya at organisasyon upang mapabilis at mapalawak ang pagkakaroon ng serbisyong patubig at sanitasyon sa rehiyon ng Asia Pacific.
Aanyayahan din ang mga microfinance institutions upang magbigay ng dagdag na tulong sa mga pamilyang nais maging bahagi ng proyekto.