MANILA, Philippines - Tadtad umano ng maling legal na interpretasyon ang findings ng Department of Justice (DOJ) sa joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Tagum Agricultural Development Company (TADECO) at Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ni Alex Valoria, presidente at CEO ng TADECO, na napatunayan nila na maling mali ang naging interpretasyon sa batas sa inilabas na findings ng investigating panel na una nang ipinalabas sa media ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Kaya sa bandang huli ay kumpiyansa si Valoria na maipagtatanggol nila ang legalidad ng pinasok na JVA sa BuCor.
Nalilito rin umano ang Tadeco sa findings ng DOJ dahil sinasabi nito na labag sa batas ang JVA subalit bandang huli ay inirerekomenda din na amyendahan ito para makasunod sa batas kaya nangangahulugan umano na balido ang kanilang kontrata.
Ipinaliwanag naman ng Tadeco na hindi dumaan sa public bidding ang BuCor at Tadeco tulad ng ipinupunto ng DOJ dahil wala namang nangyaring procurement.
Bukod dito ayon pa kay Valoria, nagbabayad din ng tama ang TADECO bilang pasahod sa mga inmate farm workers gayundin sa upa nito sa 5,308 hektaryang lupain ng Davao Penal Colony.
Nabatid na noong 2016 ay P142M ang ibinayad ng TADECO sa BuCor na katumbas sa P27,000 per hectare na upa na higit na mas mataas umano sa P10,000 hanggang P18,000 na per hectare rate na sinasabi ng DOJ na dapat matanggap ng BuCor.