Senglot laglag sa sapa tigok

MANILA, Philippines - Patay na nang maiahon buhat sa isang sapa ang isang lalaki na nalaglag at nalunod sa maduming tubig dahil sa hinihinalang kalasingan, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Inisyal na nakilala ang biktima na si Alfredo Lazo, 30-anyos, residente ng Brgy. Longos, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng Linggo ng gabi nang huling makitang buhay si Lazo. Ayon sa mga residente, susuray-suray na naglalakad sa gilid ng creek ang biktima habang nagti-text sa kanyang cellphone.

Tuluyang nalaglag ang lalaki sa sapa na may 10 talampakan umano ang lalim. Umabot pa ng tatlong oras bago nahanap at naiahon ng mga rescuer ang bangkay ng biktima.

Ayon sa isang tauhan ng Malabon Disaster Risk Reduction Management Office, makapal ang burak sa ilalim ng naturang sapa at napakadumi ng tubig kaya nahirapan silang hanapin ang biktima.

Ito na umano ang ikalawang kaso ng may nalaglag at nasawi sa sapa simula 2016.

Show comments