CHR hinamon ni Bato
MANILA, Philippines - Hinamon ni Philippine National Police (PNP) ang Commission on Human Rights (CHR) na araw-araw na mag-inspeksyon sa mga detention facility ng pulisya.
Ito’y kasunod ng pagkakadiskubre ng CHR sa isang ‘secret cell’ sa Manila Police District (MPD) Station 1 na pinagkukulungan ng 12 preso.
Nitong Biyernes ng gabi ay binisita ni dela Rosa ang nasabing ‘secret cell’ na natatakpan ng bookshelf sa MPD Station 1 at tinanong ang mga preso dito kung minamaltrato ng mga pulis gayundin kung kinokotongan ang mga ito na itinanggi naman ng mga detainees.
“Kahit araw-raw sila mag-inspeksyon, gawin yung trabaho nila ng tama,” ani dela Rosa na kinuwestiyon ang CHR kung bakit isinagawa ang pag-iinspeksyon habang idinaraos ang ASEAN Summit sa bansa.
Sinabi ni dela Rosa na ang importante ay naaresto at hindi makatakas ang nasabing mga preso.
Ipinagtanggol rin ni dela Rosa ang kaniyang mga tauhan na iginiit na wala naman ang mga itong ginawang kalokohan.
Nabatid na ang naturang mga detainees ay nasakote sa kasagsagan ng giyera kontra droga ng PNP na nasa ikalawang yugto.
Ang pahayag ni dela Rosa ay taliwas naman sa sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde na sinabing mali ng ikulong ng lagpas 24 oras ang nasabing mga preso na hindi nasasampahan ng kaso.
Ang insidente ay nagbunsod rin sa pagkakasibak sa puwesto kay MPD Station 1 Commander Supt. Robert Domingo at 12 pa nitong tauhan.