Panawagan sa ASEAN partners
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Pangulong Duterte sa mga member states ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na irespeto ang kanya-kanyang kalayaan at soberenya upang matiyak ang pagkakaroon ng mas matatag at produktibong relasyon ng bawat bansa.
Sa kanyang mensahe sa opening ceremony ng ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center (PICC), umapela si Duterte sa mga kapwa lider at miyembro ng ASEAN na patuloy na magtulungan para sa pagsusulong ng mas magandang relasyon at katatagan sa rehiyon.
Bagaman hindi direktang tinukoy ng Pangulo ang isyu ng territorial dispute sa South China Sea, ang sovereignty issue ay mainit pa rin matapos ang patuloy na pagtatayo ng mga istraktura at militarisasyon ng China sa mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea o South China Sea. Ilan sa mga member state ng ASEAN ay claimant sa pinag-aawayang mga isla sa SCS.
Sinabi ng Pangulo na ang layunin na mas mapalago ang bawat bansa ay maisusulong kung matututong magrerespetuhan sa kalayaan ng mga bansa at tratuhin ang bawat isa nang pantay-pantay.
Kinalampag din ni Pangulo ang mga kapwa ASEAN leaders kaugnay pamamayagpag ng mga pirata, armed robbery at terorismo sa rehiyon.
Sinabi ng Pangulo, ang pag-atake ng mga pirata at armadong grupo sa karagatan ay matinding sagabal sa regional at global commerce.
Anya, seryosong banta rin sa kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan sa rehiyon ang terorismo at violent extremism kaya kailangan ang walang humpay na alerto at pagmamatyag.