MANILA, Philippines - Tungkulin ng pamahalaan at hindi ng mga sibilyan na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan.
Ito ang binigyang diin ni Nandy Pacheco, founder ng Gunless Society of the Philippines, kaugnay sa naging alok na P1-milyong pabuya ni Pangulong Duterte para sa mga makapagtuturo o makapapatay sa bawat miyembro ng bandidong Abu Sayyaf sa lalawigan ng Bohol.
Ayon kay Pacheco, hindi kailanman katanggap-tanggap ang pagbibigay kautusan at karapatan sa mga simpleng sibilyan na pumatay ng sinuman lalo na sa mapanganib na grupong naghahasik ng kaguluhan at karahasan sa bansa.
Ang naturang panukala ay inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Bohol upang tiyakin ang seguridad para sa pagsisimula ng ASEAN Summit Regional Economic Partnership Trade Negotiating Committee Meeting sa Panglao Island.
Nitong nakaraang linggo ay mahigit ?sa 10 miyembro ng hinihinalang Abu Sayyaf ang nagtungo sa Bohol kung saan nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan na ikinasawi ng dalawang sundalo, isang pulis at anim na bandido.