MANILA, Philippines - Posibleng matanggalan na ng lisensiya ang kumpanya ng sigarilyo na Mighty Corporation.
Sa pahayag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Cesar Dulay, pinag-aaralan na kanselahin ang lisensiya ng nasabing kumpanya kasunod na rin ng serye ng mga operasyon laban sa kanila at sa akusasyong paggamit ng mga pekeng tax stamp sa mga produktong tobacco, kung saan lugi ang gobyerno.
Ayon kay Dulay, kapag nagkataon, posibleng humantong ang pagbawi ng manufacturing license at pagpapasara ng kumpanya.
Nauna nang sinuspinde ng Bureau of Customs ang accreditation ng Mighty Corporation para makapag-import ng raw materials.
Posible umanong sa susunod na buwan ay makapag-isyu na ang BIR ng kautusan para sa kanselasyon ng manufacturing license ng Mighty Corporation.
Idinagdag pa ni Dulay na inihahanda na nila ang panibago at mas malaking kaso ng tax case laban sa Mighty Corporation.
Kasunod umano ng mga nasamsam na 160 libong master cases ng mga sigarilyo ng Mighty Corporation sa warehouse nito sa Bulacan at 18 libong master cases sa operasyon sa General Santos City, ang panibagong tax case ay aabutin umano ng P27-bilyon.