MANILA, Philippines - Isang 49-anyos na Pinay caregiver ang inaresto at nahaharap sa patung-patong na kaso sa Amerika dahil sa umano’y pagnanakaw ng mga credit cards ng mga inaalagan na matatandang pasyente at saka ginagamit ito sa pansariling interes.
Ayon sa KTLA 5 News, dinakip ng Palos Verdes Police ang OFW na si Maria Rose Licuanan at sinampahan noong Huwebes ng L.A. County District Attorney’s Office ng apat na felony at dalawang misdemeanor case. Siya ay hindi pinahihintulutang makapagpiyansa para sa pansamantala nitong kalayaan.
Sa imbestigasyon ng Palos Verdes Estates Police Department, kinokopya umano ni Licuanan ang mga credit card information ng kanyang mga pasyente na binibigyan nito ng home care service at ginagamit pa sa online pruchase transactions.
Gumagamit si Licuanan ng maraming alias tulad ng Rose Licuanan, Maria Licuanan, Marosario Mendoza Licuanan at Rosario Licuanan.
Napag-alaman ng pulisya ang modus ni Licuanan matapos na isang nagreklamo na ninakawan ng isang credit card at kinopya ang iba pang card numbers para magamit sa online transactions.
Si Licuanan ay inaresto nitong Marso 21 sa kanyang tirahan kasunod ng ipinalabas na warrant of arrest laban sa kanya.
Sa isinagawang search sa kanyang bahay at sasakyan, nadiskubre ng pulisya ang mga nakaw na kagamitan at credit cards pa mula sa iba’t ibang biktima nito.
Lima na umanong nabiktima ni Licuanan ang nakapagbigay ng salaysay sa pulisya at kinumpirma nila na nagtrabaho sa kanila ang nasabing Pinay bilang caregiver. Nawawalan din umano sila ng pera sa kanilang mga accounts na hinihinalang nakulimbat ng Pinay.
Si Licuanan na nakapiit ay nakatakdang iharap sa korte sa darating na Abril 10.