MANILA, Philippines - Idineklara na kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang all out war ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bansa.
Ang hakbang ay tatlong araw matapos tuluyang tuldukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa CPP-NPA-NDF.
“It is an all-out war because they are considered by President Duterte as terrorists,” pahayag ni Lorenzana.
Sabi ni Lorenzana, sa kasalukuyan ay wala nang ipinag-iba sa mga teroristang Abu Sayyaf ang mga rebeldeng NPA na patuloy sa pangingikil ng revolutionary tax maging sa mahihirap na sibilyan, panununog ng mga bus at iba pang ari-arian ng mga negosyante gayundin sa pangingidnap at pag-atake sa mga sundalo.
Sinabi ni Lorenzana na tutugisin at lilipulin ng militar ang NPA rebels upang mapigilan ang mga ito sa paglulunsad pa ng terorismo.
“All out war is to target the armed component, not the peaceful loving ones, it’s the armed component who have arms,” ayon pa sa Kalihim.
Ayon naman kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, planado ang kanilang ilulunsad na all out war upang maiwasan ang ‘collateral damage’ lalo na ang mga inosenteng sibilyan.
“We are going to use of all available assets of our Armed Forces to accomplish our mission. By all out, however, we do not mean that we are going to be indiscriminate in our conduct of operations,” ani Arevalo.
Nasa 3,700 NPA rebels ang target nilang lipulin na mayorya ay namumugad sa balwarte nila sa Eastern Mindanao o Compostela-Davao area.