MANILA, Philippines - Nakubkob ng puwersa ng militar ang tatlong kampo ng mga terrorist group na nagkukuta sa Butig, Lanao del Sur, sa patuloy na air at ground strike operation na ikinasa ng military, ayon sa isang opisyal kahapon.
Kabilang sa tatlong kutang nakubkob ng militar ay ang kuta ng ang Maute terror group, mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na sinasabing nakipag-alyansa na sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at maging ang mga dayuhang terorista na kasama ng mga ito sa kanilang kampo.
Ang air at ground strike operations ay inilunsad ng AFP umpisa nitong nagdaang Enero 25 base sa direktiba ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año upang durugin ang lahat ng teroristang grupo.
Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla tinatayang nasa 150 Abu Sayyaf at Maute terror group ang nagkukuta sa lugar nang ito ay bombahin ng tropa ng Philippine Air Force na nagsilbing closed air support ng Philippine Army.
Sa tala, simula ng ilunsad ang operasyon ay nasa 15 armadong terorista ang napaslang habang walo naman ang nasugatan kabilang si Abu Sayyaf Group Commander Isnilon Hapilon.