MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Miyerkules na binitay na ang isang Filipina household worker sa kabila ng pakiusap ng gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi ni DFA spokesperson Charles Jose na ibinigti si Jakatia Pawa bandang 3:19 ng hapon sa oras ng Pilipinas.
Agad ding inilibing si Pawa alinsunod sa Islamic practices.
Inakusahan si Pawa ng pagpatay sa 22-anyos na anak ng kaniyang amo noong Mayo 2007. Natutulog umano ang biktima nang pagsasaksakin ng higit 20 beses ng suspek.
Sinabi ni Jose na sinubukan ng gobyerno na kausapin ang pamilya ng biktima sa pagbabayad ng blood money kapalit ng buhay ni Pawa ngunit hindi sila pumayag.
Iginiit ng pamilya ng biktima na mamatay ang Pinay worker.
Samantala, ayon sa isang Egyptian forensic expert na nag-imbestiga sa kaso na walang nakitang fingerprint ni Pawa sa crimescene.
Sa kasalukuyan ay 88 Pilipino pa sa buong mundo ang nakasalang sa death row.
"We regularly update our matrix of OFWs on death row around the world. In the Pawa case, we've been negotiating blood money since 2007," sabi ni Jose.