MANILA, Philippines - Isinusulong ni House Deputy Speaker at Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang panukalang nagbibigay ng mas mahigpit na parusa at gawin ng krimen ang stalking.
Sa House bill 2890 na inihain ni Arroyo, sinabi nito na ang stalking ay lumalabag sa karapatan ng biktima nito dahil karaniwang involve rito ang panggigipit, pananakot at pangingialam sa pribadong buhay.a
Idinagdag pa ng dating pangulo, na ginagarantiyahan ng civil code of the Philippines ang respeto sa dignidad, privacy, at kapayapaan ng bawat indibidwal.
Subalit hindi umano sapat ang kasalukuyang batas para masakop ang aktibidad ng stalking.
Nakasaad pa sa panukala na sa sandaling maisabatas ang anti-stalking bill ay maituturing na stalker ang isang tao kung madalas itong tumatawag sa biktima nang walang malinaw na dahilan, gayundin ang palaging pagpapadala ng komunikasyon at gumamit ng offensive na mga salita.
Maging ang paulit-ulit na bumibisita sa bahay at lugar ng trabaho ng biktima at walang tigil na pagpapakita o pagpaparamdam sa biktima kahit sa mga pampublikong lugar.
Base pa sa panukala, ang isang stalker na mapapatunayang guilty ay makukulong ng hanggang anim na taon at magmumulta ng hanggang P5000.