MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Sen. Edgardo Angara na mananatili ang VAT exemption para sa mga senior citizens at “persons with disabilities (PWDs) sa kabila ng reporma sa buwis na ipatutupad ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Angara, chairman ng Senate ways and means committee, hindi tinanggal ng Department of Finance (DOF) sa isinusulong na tax reforms ang VAT exemption ng mga senior citizen at PWDs.
Nauna rito, kamakailan ay inilatag ng DOF kay Angara ang una sa six-package comprehensive tax reform programs ng administrasyong Duterte.
Layunin ng Package 1 na babaan ang income tax rates, lawakan ang VAT base at taasan ang excise tax ng mga produktong petrolyo at presyo ng mga sasakyan.
Sinabi pa ni Angara na patuloy siyang makikipag-ugnayan sa mga economic managers para makabuo ng isang komprehensibong tax reform program na patas, progresibo at hindi magiging pabigat sa mga ordinaryong Pilipino.
Ang inisyal na panukala ng DOF ay palawakin ang VAT base sa pamamagitan ng paglilimita sa exemption sa mga hilaw na pagkain, edukasyon at kalusugan subalit nangangahulugan ito ng pagbabaklas sa VAT exemption para sa mga nakatatanda at may kapansanan.
Posibleng itakda ang susunod na pagdinig sa comprehensive tax reform sa Enero 25.