MANILA, Philippines - Inatasan ng Office of the Court Administrator ng Korte Suprema ang lahat ng mga hukuman sa bansa na may hawak ng mga kaso iligal na droga na magsumite ng ulat kaugnay sa estado ng mga nililitis nilang kaso na may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.
Ito ay sa ilalim ng OCA Circular na may petsang January 9, 2017 na pirmado ni Court Administrator Jose Midas Marquez.
Salig sa circular, lahat ng mga RTC na may hawak na drug cases ay kinakailangang magsumite ng summary report.
Lalamanin din ng ulat ang kopya ng lahat ng mga kautusan, resolusyon at desisyon na nagbabasura sa mga drug case kasama na ang mga kaso na pinatawan ng provisional dismissal, o di kaya ay nabasura dahil sa demurrer to evidence o kakulangan ng ebidensya pati na iyong mga kaso na ang mga akusado ay naabswelto para sa taong 2016.
Sa kabuuan, umaabot sa 955 ang mga RTC na humahawak ng mga kaso na may kinalaman sa iligal na droga makaraang iutos ng Korte Suprema noong Hulyo ng nakaraang taon ang pagdaragdag ng 240 trial court na hahawak ng drug cases.
Noong Mayo ng taong 2016, nabatid na mahigit 128 libong kaso ng iligal na droga ang nakabinbin sa mga mabababang hukuman.