MANILA, Philippines - Sa halip na vanity tax, isinusulong naman ng isang kongresista ang pagpapataw ng karagdagang buwis sa mga electronics appliances at gadgets.
Ayon kay PBA partylist Rep. Mark Aeron Sambar, ang electronic appliances at gadgets ang dagdagan ng buwis sa halip na puntiryahin ang beauty products at services.
Paliwanag ni Sambar, ang make/up o serbisyong pampaganda ay mahalaga para sa maraming tao subalit ang pagbili ng electronic gadgets o appliances ay kakayahang limitado lamang talaga sa mayayaman o may kaya sa buhay.
Paliwanag pa ng kongresista, na marami sa mga Pinoy ang dalawa ang cellphone habang mayroong lima ang telebisyon sa bahay.
Inihalimbawa pa ni Sambar ang sarili na maraming laptop na nakatambak at nagsisilbi na lamang mamahaling paperweight sa kanyang bahay.
Kung kaya umanong bumili ng ganito kadaming electronics na gamit ay kayang kaya dapat na pumasan ng dagdag buwis.
Bagamat aminado naman ang mambabatas na kailangan pang pag-aralan ang kanyang suhestyon, buo ang ideya nito na ibase ang electronics excess tax sa laki ng halaga ng gadget o appliances.