MANILA, Philippines – Lumalakas ang panawagan ng mga manggagawa ng isang pabrika at libu-libong mangsasaka sa buong bansa sa Department of Labor and Employment (DOLE) na iresolba na ang nagaganap na pag-aaklas dahil labis na kahirapan na ang kanilang dinaranas.
Nabigo umano si Director Ma. Zenaida A. Campita ng DOLE Region 4A at mga kasama nito na iresolba ang pag-aaklas ng ilan sa mga manggagawa sa Manila Cordage Company (MCC) and Manco Synthetics Inc. (MSI) sa Carmelray Industrial Park, Calamba, Laguna.
Ang MCC-MSI na nasasakupan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ay nasa ilalim ng no strike zone na nabalewala umano dahil sa pag-atake ng halos kalahati ng 461 manggagawa.
Nabatid na ang Alternative Network Resources Unlimited Multi-Purpose Cooperative and Worktrusted Manpower Services Cooperative ang nakipagtransaksiyon umano sa MCC-MSI upang makapagtrabaho ang kanilang mga miyembro na ngayon ay nagsasagawa ng welga matapos na hangarin na rin nilang maging regular na manggagawa sa nasabing pabrika.
Bumigat pa lalo ang sitwasyon nang manghimasok ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na nagpabagal sa negosasyon at naging dahilan nang milyun-milyong pisong pagkalugi ng MCC-MSI na tanging nag-i-export ng abaca sa ibang bansa sa loob ng 90 taon.
Dahil dito ay tanging si Sec. Silvestre Bello III ng DOLE na lamang ang nakikitang pag-asa ng mga magsasaka at mga manggagawa para maisaayos na ang sigalot kasabay nang panawagang mag-resign na kung mananatiling inutil ang ahensiya.
Napag-alaman na tuluyan nang bumagsak ang abaca industry dahil sa ang MCC-MSI lamang ang tanging kumpanya na namimili ng abaca sa buong bansa na labis na nakaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Labis ding nangangamba ang lehitimong regular workers na baka tuluyan nang magsara ang MCC-MSI at mapunta sa wala ang lahat ng kanilang pinaghirapan dahil sa pag-aaklas.
Kinondena rin ng mga regular workers ang DOLE na nagtakda ng guidelines para sa tamang pag-aaklas dahil sa kawalan nito ng aksiyon sa kabila ng napakaraming paglabag ng mga welgista.