MANILA, Philippines – Dead on arrival sa ospital ang dalawang kilabot na ‘tulak’ ng iligal na droga makaraang manlaban sa ikinasang buy-bust operation ng Station Anti-illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng Quezon City Police Station 4 sa Brgy. Bagbag sa lungsod kamakalawa ng gabi,
Ayon sa ulat kay QCPD Director Chief Supt.Guillermo Eleazar, nakilala ang mga nasawi na sina Raymond Caguita, alyas Emong, 32, at Alex Versoza, nasa pagitan ng edad na 35-40. Kapwa nasa drug watchlist ng PS-4 na kilalang tulak ng shabu sa lugar ang dalawa.
Naganap ang operasyon sa may Urbano St., Brgy. Bagbag, Novaliches QC, dakong alas-8:20 ng gabi.
Isinagawa ang operasyon ng PS-4 na pinamunuan ni Senior Insp. Dennis Francisco kung saan isang operatiba ang nagpanggap na bibili ng shabu sa mga suspek.
Pero habang isinasagawa ang transaksyon ay biglang nagbunot ng kanilang mga baril ang mga suspek at pinaputukan ang poseur buyer, pero nagmintis.
Dahil dito, kumilos na ang ibang operatiba at ginantihan ng putok ang mga suspek na ikasugat ng mga ito, saka isugod sa Novaliches District hospital pero idineklarang dead on arrival.
Sa pagsisiyasat sa crime scene narekober ng mga awtoridad ang isang kalibre .45 na baril, isang kalibre .38 na pistola na may apat na bala; isang depaormadong bala, apat na basyo ng bala, siyam na piraso ng plastic sachet ng shabu; isang digital scale, at dalawang improvised tooters at P500 buy-bust money.
Muli namang nakiusap si Eleazar sa mga sangkot sa iligal na droga na tumigil at talikuran ito dahil hindi rin anya sila titigil hanggang hindi nagiging drug free ang buong lungsod.