MANILA, Philippines – Pumasok na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng pagpatay sa isang publisher-columnist ng isang pahayagan sa Catanduanes, na sinasabing may kaugnayan sa iligal na droga.
Isang parallel investigation ang isasagawa ng NBI matapos silang atasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na tumatayo ring co-chairman ng Task Force na mag-iimbestiga sa media killings, na tugisin ang killer ni Que at alamin ang mga nasa likod ng pagpapatay.
Si Que ay namatay habang nilalapatan ng lunas matapos magtamo ng bala sa ulo nang barilin ng isa sa riding-tandem noong nakalipas na linggo sa Virac, Catanduanes.
Isang araw bago ang insidente ng pagpatay, nailathala sa lokal na pahayagan ni Que ang isyu laban sa mga lokal na opisyal ng lalawigan na pawang nagpabayad kaya nakapagtayo ng malaking laboratory ng shabu sa kanilang lugar na isa umanong malaking kahihiyan. Nagtulong-tulong umano ang mga Chinese residents para magsabwatan at maitayo ang shabu lab.
Kauna-unahan si Que sa naitalang media killing sa administration ni Pangulong Rodrigo Duterte.