Imbestigasyon kay Duterte
MANILA, Philippines – Tahimik lang ang Malakanyang sa plano ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na ipagpatuloy ang imbestigasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kahit pa meron itong immunity laban sa mga demanda.
Kinumpirma ni Morales na inaksyunan ng Office of Ombudsman ang plunder complaint na isinampa ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Duterte noong kasagsagan ng kampanya sa halalang pampanguluhan noong Mayo.
Sinasabi ni Trillanes sa kanyang reklamo na kumuha si Duterte ng mga ghost employees para sa Davao City Hall noong alkalde pa lamang ito ng lunsod.
Sinabi naman ni Communication Secretary Martin Andanar sa isang text message na tahimik muna siya ngayon.
“Wala munang komento sa ngayon,” wika ni Andanar.
Naunang ipinahayag ni Morales na hindi niya alam ang katayuan sa ngayon ng kaso na isinampa ni Trillanes makaraang mag-inhibit siya dito dahil sa relasyon niya sa pamilya ni Duterte.
Si Morales ay aunt-in-law ni Davao City Mayor Sarah Duterte na anak ng Pangulo.
“Sa ilalim ng batas, kung ang isang tao ay mayroong immunity o kahit impeachable siya, maipagpapatuloy mo ang imbestigasyon para matukoy kung merong misconduct na magiging basihan ng impeachment,” paliwanag ni Morales sa panayam ng ABS-CBN.
Ayon sa reklamo ni Trillanes, ang dating alkalde ay nagkamal ng P2.4 bilyon at ang pinagmulan ng pera ay maaaring sa mga ghost employee na kinuha ng pamahalaang lunsod ng Davao.
Inihalimbawa niya ang report ng Commission on Audit na nagsasabing nagbayad ang lunsod ng P708 milyon para sa sahod ng 11,000 contractual worker noong 2014. Ayon sa COA, walang dokumento na magpapatunay na nagtrabaho ang naturang mga manggagawa.
Nang tanungin kung iimbestigahan din ng Ombudsman si Duterte kaugnay ng mga umano’y extra-judicial killing kaugnay ng giyera ng pamahalaan laban sa iligal na droga, isinagot ni Morales na anumang bagay ay posible.