Gen. Visaya handing makulong sa FM burial

MANILA, Philippines - Handang magpakulong si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Ricardo Visaya kapag napatunayang iligal ang kaniyang pagtalima sa kautusan ng Korte Suprema na ipatupad ang paglilibing sa labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan Ng Mga Bayani (LNMB) sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ito’y sa gitna na rin ng banta ng grupo ng mga militanteng grupo na magsasampa ng petisyon sa Korte Suprema sa Department of National Defense (DND) at AFP para ma-contempt sanhi ng pasikreto umanong pag­lilibing sa labi ni Marcos sa LNMB nitong Nobyembre 18.

Sa panayam, sinabi ni Visaya na nirerespeto ng AFP ang posisyon ng mga nagpe-petisyon sa pangunguna ng Bayan Muna at Samahan  ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) pero sinusunod lamang nila ang kautusan at desisyon ng Mataas na Hukuman.

Iginiit nito na wala silang ginawang iligal sa pag-asiste sa pamilya Marcos at pagpapatupad ng seguridad katuwang ang PNP sa palibot ng LNMB matapos na dumagsa rito ang mga humabol na raliyista.

Noong Nobyembre 18 ay nabulaga ang  netizens partikular na ang mga anti-Marcos nang biglang pasikretong ilibing sa LNMB ang labi ng dating Pangulo.

Ipinunto ni Visaya na hindi umano inilihim ang paglilibing sa labi ni dating Pangulong Marcos manapa’y nais lamang ng pamilya nito ng katahimikan.

“They (Marcoses) just wanted to hold it privately…what’s wrong with that? Even you, if you want to bury your loved ones privately, what’s wrong with that?, “ ani Visaya na tubong Bacarra, Ilocos Norte, ang lalawigan ng mga Marcos.

Show comments