PAMPANGA , Philippines – Hangad ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) na madaanan nang motorista ang road widening ng North Luzon Expressway (NLEX) mula sa bayan ng Sta. Rita, Guiguinto sa Bulacan hanggang San Fernando City sa Pampanga pagsapit sa Disyembre 2016.
Napag-alamang sinimulan ang proyekto noong Marso 2015 na may P 2.2 bilyong pondo.
Ayon sa pamunuan ng MNTC, mula nang maging moderno ang NLEX noong 2005 ay humigit pa sa 50 porsyento ang itinaas ng daloy ng trapiko.
Nadadagdagan pa ng 25 porsyento ang dami ng mga sasakyan tuwing sasapit ang Semana Santa, Undas at Kapaskuhan.
Kaugnay nito, may hiwalay na P235 milyon ang ginugugol sa inilalatag na bagong dalawang linya pa para sa bahagi ng NLEX mula Dau hanggang Sta. Ines sa Mabalacat City.
Layunin nitong gawing ligtas ang pagbibiyahe sa bahaging ito ng expressway na ayon sa Tollways Management Corporation ay nagtala ng pinakamaraming bilang ng naaksidente kahit apat na kilometro lamang ang haba.
Samantala, pinag-aaralan na rin ng MNTC ang ilalaang pondo sa pagpapalawak ng tulay sa bayan ng Bocaue Interchange na nakararanas ng palagiang pagsisikip sa daloy ng trapiko.