MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagtuligsa ng international community sa madugong pakikidigma ng pamahalaang Duterte laban sa droga, lumalabas sa survey ng social weather station (SWS) na walo sa sampung Pinoy ang kuntento sa naturang programa ng administrasyon.
Sa kabuuang 1,200 respondents na nasa tamang gulang na kinapanayam, 84 percent ang kuntento sa crackdown ng awtoridad sa illegal drugs. Walong porsyento lang ang dissatisfied habang ang iba ay undecided.
Ang kabuuang resulta ay “excellent” net satisfaction rating na +76. Ayon sa SWS ang rating na mas mataas +70 percent ay itinuturing na ”excellent.”
Ayon sa 71 percent ng mga respondents, mahalaga na ang mga drug suspects ay mahuli nang buhay. Naniniwala naman ang 83 percent ng mga tinanong na walang diskriminasyon sa pagdakip sa mga drug suspects, mayaman man o mahirap.
Ang survey ay ginawa mula September 24-27.
Lumalabas din sa survey na nagtamo si Duterte ng “very good satisfaction rating” na suportado ng 76 na porsyento ng mga respondents.
Tumutugma ito sa “landslide victory” ni Duterte sa nakalipas na presidential elections noong Mayo.
Samantala, ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, naging madrama at makasaysayan ang “war on drugs” ni Pangulong Duterte matapos na huling makapagtala ang PNP ng 734, 231 drug suspects na kanilang napasuko na kinabibilangan ng 681,264 users at 52,967 ‘tulak’ sa ilalim ng Oplan Tokhang ng pulisya. Nabatid na umaabot sa 1,701,647 kabahayan ang binisita at kinatok ng PNP na nagresulta sa pagsuko ng mahigit .7 milyong drug pushers at users.
Tinataya pa ng PNP na posibleng umabot sa may 1.8 milyong tulak at gumagamit ng droga ang inaasahang susuko sa loob ng anim na buwang kampanya ng Duterte administration.
Sa ulat ng police regional offices sa buong bansa nitong Oktubre 6, naitala ang kabuuang 23,852 police operations na nagresulta sa pagkaka-aresto ng 22,971 suspects. May 40 police personnel ang nasugatan sa mga operasyon habang 13 ang nasawi habang mahigit 1,377 drug suspects na ang napatay sa mga lehitimong operasyon.
Una nang sinabi ni Duterte na halos 97 porsyento na ng mga barangay sa buong bansa ang napasok ng ng illegal drugs.
Tinukoy din sa ika-100 days ng Pangulo ang plano nito na magkaroon ng bagong “foreign policy” sa pagtindig ng Pilipinas para sa sarili nitong interes nang hindi dinidiktahan at humihingi ng tulong mula sa Estados Unidos.