MANILA, Philippines – Bumuhos ang mga taong nakiramay at naghatid sa huling hantungan sa labi ni Sen. Miriam Defensor-Santigo sa Loyola Memorial Park sa Marikina kahapon.
Libo katao ang nagtungo sa Loyola upang saksihan ang libing ng senadora.
Bago tuluyang dinala sa libingan ay nagdaos muna ng funeral mass sa Immaculate Concepcion sa Cubao, Quezon City sa pangunguna ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, dakong ala-1:00 ng hapon.
Ang funeral mass ay dinaluhan ng mga kaanak, kaibigan, mga tagasuporta at ilang kilalang personalidad kabilang sina dating Senador Bongbong Marcos, kanyang inang si dating First Lady Imelda Marcos, dating senador Kit Tatad at aktres na si Heart Evangelista.
Dumalo rin ang grupo ng mga kabataan na sumuporta sa presidential candidacy ni Miriam noong 2016 polls, na pawang nakasuot ng pulang t-shirt.
Pagkatapos ng banal na misa ay sinimulan ang funeral procession.
Ang paghahatid ng karo ay sinimulan sa New York Street sa Cubao, Quezon City hanggang sa E. Rodriguez -- Aurora Boulevard, patungo sa Barangka -- Marikina at dire-diretso na sa Loyola Memorial Park.
Nasa 100 meters ang haba ng mga sasakyan na sumusunod sa prosesyon. May mga kababayang nag-abang na kumukuha ng larawan habang inihahatid ang labi ng Senadora.
Binigyan ng arrival honors ang senadora at may nakalatag pang red carpet para sa kanya at mga taong dumalo sa libing.
Nagpakawala rin ng mga puting kalapati ang kanyang mga supporters.
May kanta ng “Ugoy ng Duyan” ang pinatutugtog sa libing at may helicopter na nagsaboy ng mga petals ng mga bulaklak at binigyan siya ng 21-gun salute
Pinasalamatan naman ng pamilya ng senadora ang mga taong nakiramay sa kanila at nakipaglibing at maging yaong mga nagpaabot ng pagmamahal sa kanila.
Ilan sa mga ito ay nag-iwan ng mga liham pasasalamat, at nakatawag pansin ang liham ng kanyang apong si Charles Rotoni, na nagsabi sa kanyang mensahe ng “You Know How much I love you Granma! Kiss! Kiss! Kiss na may kasamang drawing ng mukha ng senadora at heart at lagda nito.
Si Santiago ay binawian ng buhay sa edad na 71 dahil sa sakit na lung cancer.