MANILA, Philippines - Tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ni United Nations Secretary General Ban Ki-moon na ‘bilateral talks’, ayon sa UN at sa pamahalaan kahapon.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na malabo na magkaroon ng bilateral talks sa ASEAN Summit sa Laos sina Pangulong Rodrigo Duterte at United Nations secretary general Ban Ki-moon.
Sinabi ni DFA Asec. Ma. Helen dela Vega sa media briefing sa Malacañang, hindi magkakaroon ng bilateral meeting si Pangulong Duterte sa UN chief sa sideline ng ASEAN Summit sa Vientiane, Laos na gaganapin mula September 6-8.
Una nang hiniling ng UN chief ang bilateral meeting sa Laos, na magsisilbing host ng summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) leaders sa susunod na linggo.
Katuwiran ni Asec. Dela Vega, masyadong mahigpit ang schedule ni Pangulong Duterte sa ASEAN Summit kung saan ay 11 bansa ang humiling na magkaroon sila ng bilateral meeting sa Pangulo subalit 9 lamang ang napagbigyan.
Kabilang sa bilateral talks ni Duterte sa ASEAN ay sina US President Barack Obama at Russian President Vladimir Putin.
Sinabi rin ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose sa press briefing sa DFA na kabilang pa sa makaka-one-on-one talks ng Pangulo ay ang mga lider ng Australia, India, Japan, New Zealand, South Korea, Singapore, Vietnam at Laos.
Tatanggapin din ni Pangulong Duterte ang chairmanship ng ASEAN mula sa Laos. Ang Pilipinas ang chairman ng susunod na ASEAN Summit sa 2017.
Bago dumalo sa ASEAN meeting sa Laos ay magtutungo muna si Pangulong Duterte sa Brunei sa September 4-5 at bago naman umuwi ng Pilipinas ay magtutungo naman ito sa Indonesia mula Sept. 8-9.
Sinabi ni Duterte na hindi niya tatalakayin ang isyu sa United Nations arbitral ruling kaugnay sa West Philippine Sea maliban lamang kapag may mag-raise ng isyu.