MANILA, Philippines – Plano nang dumulog sa Korte Suprema ang ilang kongresista upang doon kontrahin ang nakatakdang pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, pinag-aaralan na nila ang posibilidad na dalhin sa Supreme Court (SC) ang isyu ng pagpapalibing sa dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani at para makakuha sila ng injunction.
Si Lagman ay kabilang sa multi-sectoral coalition laban kay Marcos na ilibing ito sa susunod na buwan sa Libingan ng mga Bayani.
Ang kongresista ay ang may akda ng Human Rights Victims Reparations Act of 2012 (Republic Act 10368) na kumikilala sa mga paghihirap ng mga biktima ng batas militar.
Ayon kay Lagman, ang R.A.10368 ay puwedeng magamit sa kaso oras na maghain sila sa korte para ipahinto ang pagpapalibing sa mga labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
May listahan si Lagman na tinawag niyang ‘12 cardinal sins’ ni Marcos na aniya’y magagamit nito sa mga argumento sa paghahain ng kaso sa SC.
‘Si Marcos ay hindi hero. Kung pagbabatayan ang kanyang ‘12 cardinal sins,” giit ni Lagman.
Sa Malacanang, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na malaya ang mga tutol sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani na magdaos ng kanilang protesta.
Giit ni Abella, naniniwala si Pangulong Duterte na kuwalipikado si ex-Pres. Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani.