QUEZON, Philippines – Matapos ang matagumpay na mass surrendering noong Miyerkules (Hunyo 13) na may 1,300 tulak at adik mula sa 33 barangay ang sumuko, aabot naman sa 5,000-katao ang nag-anti-drug campaign rally sa Lucena Cty, Quezon kahapon ng umaga.
Inorganisa ng Lucena City PNP sa pamumuno ni P/ Supt. Dennis de Leon ang rally sa paniwalang makatutulong ito ng malaki sa may 300,000 residente na ipamulat ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng iba’t ibang sektor laban sa droga.
Bukod sa pinaigting na project ‘Double Barrel, Oplan Tokhang,’ may kampanya ring tinawag na Drug Abuse Resistance Education (DARE) ang pulisya na layong isama sa elementary education ang masamang epekto ng iligal na droga.
Kabilang sa dumalo sa rally ay sina Mayor Roderick Alcala, Vice mayor Philip Castillo, mga konsehal, P/Senior Supt. Antonio Yarra, QPPO Director, Major Gen. Romeo Gan, commanding general ng SOLCOM, academe, mag aaral ng iba’t ibang kolehiyo, at mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Pagkatapos ng oathtaking at signing of commitments ay nagpalipad ng mga kalapati at lobo ang mga dumalo sa proyekto.