MANILA, Philippines – Pinag-aaralan nang mabuti ng mga legal experts ng pamahalaan ang ruling ng United Nations-Permanent Court of Arbitration na pumabor sa Pilipinas upang maplantsa ang susunod na hakbang ng Duterte administration.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella. ikinokonsulta na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga legal experts ang nilalaman ng 101 pahinang desisyon ng PCA.
Sinabi ni Abella, kamakalawa ng gabi ay nagpatawag ng emergency Cabinet meeting ang Pangulo at kabilang sina Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justice Francis Jardaleza at dating Solicitor General Florin Hilbay upang talakayin ang nasabing UN ruling.
Inaasahan na sa loob ng limang araw ay matatapos umano ang pag-aaral at ihahayag ang susunod na hakbang ng gobyerno.
Pinayuhan ng Malacanang ang mga mangingisdang Pinoy na antayin muna ang anunsyo ng ehekutibo sa susunod na hakbang ng gobyerno bago sila pumalaot at mangisda sa mga karagatan sa West Philippine Sea na patuloy na kinokontrol ng China upang maiwasan ang anumang tensyon.
Sinabi naman ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. na isusulong ng Pilipinas ang “bilateral talk” sa China na mahaba-habang proseso kasunod ng paborableng ruling kahit nagpahayag ang China na hindi nila kikilalanin ang UN ruling.
Samantala, ikinatuwa din ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang naging desisyon ng UN court na pumapabor sa inihain nilang apela ukol sa West Philippine Sea.