MANILA, Philippines - Umiskor ang mga alagad ng batas kasunod ng pagkakasamsam sa 180 plastic packs ng shabu na umaabot sa halagang P900 milyon na ibinaon ng drug syndicate sa isang farm sa isang liblib na lugar sa Claveria, Cagayan kamakalawa ng hapon.
iprinisinta nina PNP Chief P/Director General Ronald dela Rosa, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Isidro Lapena at PNP-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) Officer-in-Charge P/Sr. Supt. Albert Ignatius Ferro sa media ang bulto ng mga nakumpiskang shabu.
Ayon kay Dela Rosa, dakong alas-5:30 ng hapon nitong Hulyo 3 ng magsagawa ng operasyon ang kanilang mga tauhan sa isang farm na pag-aari ni Rene Dimaya na matatagpuan sa Brgy. Culao, Claveria,
Sinabi ni Dela Rosa, isang sibilyang tipster ang nagbigay ng impormasyon sa kanya na may ibinaong droga sa lugar at umano’y nagpapalamig lamang ang sindikato na nasa likod nito para ibiyahe ito sa isang Chinese drug trafficker sa Binondo, Manila.
Agad na sinalakay ng mga pulis at PDEA ang lugar at narekober ang droga na ibinaon ng isang metro ang lalim. Pitong malalaking kulay itim na bags na may markings ng “Leah D’ at isang kulay asul na ice box ang nakuhay sa lugar.
Gayunman, ayon kay Dela Rosa ay wala ni isa mang naaresto sa lugar sa nasabing operasyon na pinaniniwalaang mabilis na nakatakas ang mga nagbabantay dito ng matunugan ang presensya ng mga operatiba.
Sinabi ni Dela Rosa na posibleng ipinupuslit mula sa China at Taiwan sa pamamagitan ng barko patungo sa lugar ang droga at saka ito dinadala sa Metro Manila gayundin sa iba pang mga lugar.