MANILA, Philippines – Muling nakatanggap ng batikos mula sa kanyang mga kasamahan si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista matapos na magtungo siya sa Japan noong Huwebes, kasama ang kanyang anak nang hindi nagtatalaga ng officer-in-charge (OIC).
Ayon kay Comelec Commissioner Christian Robert Lim, walang iniwang OIC si Bautista upang humalili pansamantala sa kanya nang mag-leave of absence, gayung dati-rati naman ay nagdaraos muna sila ng en banc meeting upang talakayin ang pagtatalaga ng acting chairman, kung lalabas siya ng bansa.
Sinabi naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na umalis si Bautista nang walang travel authority mula sa poll body.
“Umalis siya (Bautista) papuntang Japan, ‘di namin alam. Walang en banc, walang may alam. So ngayon wala kaming acting chair. Eh kung may disaster na nangyari, wala kaming chair,” ani Guanzon.
Napaulat na hiniling ni Guanzon sa Bureau of Immigration (BI) na imbestigahan ang hindi awtorisadong pagbiyahe ni Bautista.
Nilinaw naman ni Bautista na nag-isyu siya ng travel alert at may mga existing memos naman na nagsasaad na ang senior commissioner ang dapat na umaktong acting chairman, sa panahong wala ang Comelec chair.
Magugunita na pinagkaisahan ng anim na commissioners si Bautista mula sa nilagdaang memo dahil sa umano’y pagiging palpak sa pamamahala nito sa komisyon at sa pagdedesisyon nang hindi umano dumadaan sa Comelec en banc.
Sa kabila nito, walang panawagan na magbitiw si Bautista sa puwesto bagkus ay nais ng mga kasamahan nito na ayusin ng una ang kanyang trabaho.
Samantala, hands off ang Malacañang sa iringin sa pagitan ni Bautista at mga komisyuner.
Sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr. na hindi makikialam ang Palasyo sa usapin at dapat umanong ayusin ng 7-member en banc ang kanilang isyu sa Comelec.