MANILA, Philippines - Apat na pasahero ang sugatan kabilang ang isang Pinoy matapos na hagisan ng isang lalaki ng home-made explosive ang loob ng Pudong Internatinal Airport sa Shanghai, China bago magtangkang magpakamatay ang suspek kahapon sa pagsabog.
Kinumpirma ni Foreign Affairs Spokesman Asec. Charles Jose na isang pasaherong Pinoy, 52-anyos, seaman, ang nagtamo ng minor injury sa pagsabog.
Tumanggi si Jose na ihayag ang pangalan ng Pinoy seaman na aniya’y nasa maayos nang kalagayan at nakatakda ring umuwi sa bansa ngayong araw.
Sinabi ni Jose na papauwi na sa Manila ang Pinoy nang mahagip ng mga nabasag na salamin dahil sa pagsabog sa check-in counter sa airport.
Nasa maayos na ring kalagayan ang iba pang biktima na 67 at 64-anyos, umano’y kapwa Tsino at isa pang hindi pa natukoy ang nationality na nagtamo ng minor injuries sa katawan.
Nag-aagaw buhay naman sa ospital ang ‘di pa kilalang suspek sa pambobomba nang laslalin nito ng patalim ang sariling leeg mula sa kanyang dalang backpack.
Base sa pagsisiyasat ng Shanghai authorities, bigla na lamang inilabas ng suspek sa kanyang backpack ang isang bote ng beer o mga bote na may explosive materials at inihagis ang isa sa check-in counter ng nasabing terminal. Pagkatapos ay isinunod na inilabas ng suspek ang isang patalim at saka hiniwa ang sariling leeg nito.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Chinese authorities sa motibo ng pambobomba.