Peace negotiators ni Digong makikipagkita kay Joma Sison

MANILA, Philippines - Tumulak na patugong Oslo, Norway si incoming Presidential Peace Adviser Sec. Jesus Dureza kasama sina incoming Labor Sec. Silvestre Bello III at dating Pangasinan Rep. Hernani Braganza upang masimulan na nila ang preliminary talks sa National Democratic Front (NDF) na nakatakda sa June 14-15.

Sa panig ng NDF sa pamumuno ni Sison ay kasama din sa informal talks sina NDF spokesman Fidel Agcaoili, chief negotiator Luis Jalandoni, Julie de Lima-Sison, Connie Ledesma at 2 abugado.

Sinabi pa ni Dureza, nais ni President-elect Rodrigo Duterte na matapos na ang communist insurgency sa bansa kaya nais nitong masimulan na ang usapang pangkapayapaan sa hanay ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-NDF.

“If you have a president like President Rody (Duterte) now who is even doing some of those unthinkable actions and announcements then it really moves forward, tapos makikita mo the other side is also very receptive,” dagdag pa ni Dureza.

Positibo naman si CPP founding chairman Jose Maria Sison na magkakaroon ng matinong pag-uusap ang gobyerno at NDF sa ilalim ng pamumuno ni President-elect Rody Duterte.

Samantala, sinabi din ni Dureza na posibleng magkaroon din ng peace talks ang gobyerno sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf Group (ASG) pero dapat ay sumuko muna sila sa gobyerno at harapin ang isasampang kaso sa kanila.

Ayon kay Dureza, kung susuko ang mga BIFF at ASG sa gobyerno at nais nilang makipag-usap ang gobyerno sa kanilang grupo ay dapat yakapin muna nila ang pagkakaroon ng kapa­yapaan at harapin ang kanilang magiging kaso.

“If they surrender, get charged for crimes, and want peace, talks with BIFF, ASG possible,” wika pa ni Dureza.

Show comments