MANILA, Philippines – Nagsasagawa ngayon ng masusing pagmomonitor ang mga operatiba ng pulisya kaugnay sa impormasyon na 24 terorista mula sa grupo ng Kilafah Islamiyah Mindanao (KIM) ang gumagala sa Davao City ilang araw bago ganapin ang thanksgiving party ni incoming President Rodrigo Duterte na itinakda sa Hunyo 4.
Sinabi ni P/Chief Inspector Milgrace Driz, spokesperson ng Davao City PNP, patuloy ang beripikasyon hinggil sa presensya ng KIM at iba pang teroristang grupo na sinasabing mga bomb experts at mga sangkot sa kidnapping for ransom.
Kasabay nito, sinabi ni Driz na nanawagan ang Davao City Police sa netizens para makipagkoordinasyon sa mga awtoridad upang mapigilan ang anumang tangkang pananabotahe sa kapayapaan upang isabotahe ang mahalagang okasyon.
Ayon kay Driz, may hawak na silang watchlist ng mga terorista na ipinalabas at ipoposte ang mga larawan sa mga malls at iba pang mga matataong lugar.
“Based on the information we gathered from intelligence, these are from the Kilafah Islamiyah Movement so we are validating it,” ayon pa kay Driz.
Inaasahan naman ng mga organizers na aabot sa 100,000 katao ang dadalo sa nasabing okasyon na gaganapin sa Crocodile Park sa nasabing lungsod.
Sa panig naman ni dating AFP Chief of Staff at incoming National Security Adviser ret. Gen. Hermogenes Esperon na walang anumang banta sa seguridad na hindi kayang tugunan ng security forces.