MANILA, Philippines – Hindi korap ang mister ko!
Ito ang sigaw ng maybahay ng reporter/columnist na si Alex Balcoba na napaslang ng riding-in-tandem sa Quiapo, Manila noong Mayo 27 bilang sagot sa pahayag ni incoming President Rodrigo Duterte na may ilang mamamahayag ang napapatay dahil sa pagiging korap.
Kasabay ng paghatid sa kanyang hantungan ng mister, naglabas ng hinanakit si Gng. Florabel Balcoba kay Duterte at sinabing nakakadismaya ang binitawang salita ng incoming president.
Napaiyak na lang sa galit si Gng. Florabel Balcoba, isang guro dahil tila nawalan na umano siya nang pag-asa na mabibigyan pa ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang mister dahil sa pananalita ni Duterte,
Sinabi ni Florabel na P200 lamang ang hawak niyang pera nang mamatay ang kanyang asawa, kaya paano masasabi na korap ang mister niya kung wala naman silang pera at mga ari-arian.
Aniya, napakataas ang tingin niya sa incoming president at labis siyang nadismaya sa mga naging pahayag nito kaugnay sa mga pinapatay na mediamen. Hindi umano niya akalain na masasabi ng Duterte administrasyon na napapatay ang mga mamamahayag dahil sa kanilang pagiging corrupt. Aniya, maraming makapagpapatunay na simpleng tao lamang ang kanyang asawa at kailanman ay hindi naging corrupt. Ninais lamang ng kanyang asawa na makatulong sa ibang tao kahit pa buhay niya (Alex) ang kabayaran.
“Sa aking facebook, lagi kong ipinopost si Duterte dahil malaki ang paghanga at tiwala ko sa kanya, ngayon wala na. Ako po ay isang guro, hindi po korap ang asawa ko!,” sigaw ni Florabel.
Kahapon ay nangalap at nag-ambag-ambag ang mga malalapit na kaibigan, pamilya, mediamen, mga pulis at iba pang indibiduwal upang makalikom ng pera na panggastos sa burol hanggang sa pagpapalibing sa mga labi ni Balcoba.
Mula sa Dulce Funeral Chapel, sa Abad Santos, Maynila, inihatid at dinala ang mga labi ni Balcoba sa Espiritu Santo Church sa Sta. Cruz saka idinaan sa puwesto ng tindahan nito sa Quiapo, Maynila kung saan siya binaril sa ulo ng isa sa suspek at dito nagtirik ng kandila ang pamilya at mga mediamen.
Kasunod ay inihatid ang mga labi sa La Loma Crematorium sa La Loma Cemetery sa Caloocan City dakong ala-1 ng hapon para sa cremation.
Bunsod nito, sumisigaw ng hustisya ang pamilya Balcoba at mga kasamahan nito sa Press Club at Manila Police District Press Corps (MPDPC) kung saan nagsilbing direktor si Balcoba.